Pages

Monday, September 28, 2009

Basurang itinapon nyo babalik din sa inyo

Ang nasa taas na larawan ay kuha ko kahapon ng umaga sa aming lugar. Hindi ko inaakalang mangyayari sa amin ito.

Noong Sabado ng umaga September 26, 2009 ay papunta akong Cavite para kitain ang aking kaibigan. Pa twit twit (twitter) pa ako sa cellfone ko at sinasabi ang mga nangyayari sa kapaligiran ko. Akala ko ay simpleng ulan lamang iyon subalit nagkamali ako, nang dumating ang bus na sinasakyan ko sa Ortigas ay hindi na umaandar ang mga sasakyan sa kabilang lane patungo sa Norte at gayun din sa Timog, nagpasya na akong bumaba kahit mabasa ako ng ulan. Sa bandang P.O.E.A. ay hanggang balikat na ang baha at ang mga sasakyan sa fly over ay hindi na talaga umaandar. Sumakay ako ng MRT at doon nakita ko ang kalunos lunos na mga pangyayari pag daan ng MRT sa Santolan, harap ng corinthian ay lubog na ang mga sasakyan sa tubig baha at may mangilan ngilan ay lumusong na.



Bumaba ako ng TRINOMA upang magpalipas nang oras doon para patilain ang ulan, kumain ako sa TOKYO TOKYO at biglang nag brown out.! haha. Malala na ito at naisipan ko ng umalis at pumunta sa terminal ng sasakyan. Wala doong jeep at fx, ang makikita mo lang doon ay mga tao. Naghintay ako ng sadali at nagpasyang maglakad nalang.

Sobrang lakas ng ulan at hangin, unti unting nababasa ang aking pantalon. Pag daan ko ng Circle sa Q.C. ay doon mo makikita ang nagtipon tipon na sasakyan dahil hindi sila makaraan sa gabewang na baha sa PHILCOA. Nilakad ko mula TRINOMA hanggang sa T.Sora, buti nalang pagtawid ko doon ay nakita ko kagad ang bus na SANTRANS at nakaupo pa ko bago ito napuno.

Pag dating ko sa terminal ng tricycle ay usap usapan na ang baha sa aming Subdivision, Lubog ang Phase 5, 3 and 2 sa tubig baha, ang ilan ay nagsipaglikas na sa Phase 1 covered court at sa simbahan.. Lampas tao ang baha. Pagdating ko ng bahay ay wala pang serbisyo ng kuryente.

Ang aking ermat nakitulog nalang sa bahay ng ka empleyado nya dahil wala ng tricycle ang gustong maghatid sa kanya patungo sa aming lugar.

Habang ako ay nakikinig ng balita sa radyo ay narinig ko na marami na ang nangangailangan ng tulong, gusto ko silang tulungan ngunit dasal nalamang ang ginawa ko. Buti huminto ang ulan kinaluaanan dahil kung hindi ay aabutin din kami ng tubig baha at marami pa sigurong mapipinsala sa kalamidad na iyon.



Kinabukasan ng umaga ay ginising ako ng aking Ama para ibalita ang kanyang mga nasaksihan, sa Phase 5. Kaya dali dali akong pumunta doon kasama ang aking kapatid at nasalubong ko ang aking kumare at kumpare kasama ang kanilang anak. Pagdating namin ng Phase 5 ay laking gulat ko sa nagpatong patong na pitong sasakyan at ang paligid ay puno ng basura. Pagdating naman namin ng phase 3 ay makikita mo ang isang Mitsubishi adventure na nasa ilog.

Pinuntahan namin ang mga kaibigan namin na nasalanta ng baha at naki simpatya. Kabilang dito ang kaibigan naming si Paula na anim na buwang buntis, at isa pa na si Sharina na namatayan ng Tito.

Hindi ko inaasahan na mangyayari ito. Sabi ng pag-asa ay ito ang highest rainfall since 1969 at sa loob ng 6 hours ay nalampasan nito ang monthly average ng ulan.

Grabe ang nangyaring kalamidad na ito. Sa tingin ko tayo rin ang may kasalanan nito dahil sa lupit natin sa inang kalikasan kaya binalikan iiya tayo. Gaya ng mga basura kung saan saan nalang natin itinatapon ay bumalik din sa atin. Ang bagsik ng kalikasan ay matindi, wala itong pinipili mayaman man o mahirap, Kaya alagaan natin ang ating kalikasan na bigay nang poong may kapal. Sana ang pangyayaring ito ay maging leksyon.

No comments:

Post a Comment